11.08.2009

Ikaw, na hindi ko namalayan.

Maski ang bahay niya sa Pet Society, hango sa bahay niya doon sa Quezon. Hindi niya nilagay ang tissue holder sa tabi ng bath tub dahil alam niyang mababasa ito. Ang kanyang mga credit card, naka-arrange sa kulay ng bahaghari sa kanyang wallet. R-O-Y-G-B-I-V. May bilang ang bawat kilo ng bigas na kinakain niya buwan-buwan, at hindi siya iinom ng kape kung hindi ito Starbucks.


Ilang linggo ko na rin siyang pinagmamasdan, at hanggang ngayon ay hindi ko magawang lumapit sa kanya. Parang may invisible forcefield na humihila sa akin palayo sa kanya.


Biglaan, habang nakatalikod ako maririnig ko ang kanyang boses ay biglang tataas. Lilingon ako, na parang ako ang pinagtawanan. Hindi niya ako kilala. Eh ayaw ko naman magpakilala. Ano ba problema ko? Sasabihin ba naman ng ate kong nangingialam sa inbox ng cellphone ko, bakit walang nagtetext sa iyong babae? Habangbuhay ka na lang ba mag-iisa? Nako, mag ti-25 ka na, wala ka pang girlfriend! Sabay magtatakang titingin sa akin.


Siguro takot lang ako, ayaw kong aminin na hindi ko mahahanap ang tapang sa sarili. Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong takot. Pero takot saan? Balita ko, hindi naman yata siya nangangagat. Mabait siya, madaling kausap at patawa. Ano ba ang kinatatakutan ko?


Araw-araw, kapag 2:30 ng hapon, makikita ko siyang nakaupo sa isang silid sa Starbucks, madalas ay maraming kasama, naka-white t-shirt at pants na sa sobrang haba, "wishwish" ang tunog kapag pumaparada siya sa sahig. Inaabangan ko ang malakas mong tawa na parang Surround-Sound na umiindayog sa aking isipan. Ni hindi ko pa alam ang iyong pangalan.


Lapitan mo na siya, susog ng aking mga kaibigan. Kung hindi ay pagsisisihan mo. Hindi na ako maka-3 point shot sa kakaisip sa kanya. Pero sa sobrang bigo ko...sa nakaraan, sa dumaan...nababalot ako sa takot kapag nasa iisang kuwarto lang kami. Nakailang girlfriend na rin ako. Pero ngayon lang natamaan ng ganito.


Kaya naisip ko na kailangan ko na talaga siyang kausapin. Kung mapupunta siya sa iba ay lalo ko lang pagsisisihan. Bukas ay lalapitan ko siya.


*****


Nagtaka ako kung bakit wala siyang kasama. Hindi na rin siya naka-white T-shirt. Suot niya isang berde na bestida, pulang tsinelas at walang dalang bag. Hawak lang niya ang isang pirasong papel na luma na kung titingnan. Pula ang kanyang mga mata at nawalan ng kulay ang kanyang labi.


Ganito pa man ay gusto ko pa rin siyang halikan.


Sa di ko inasahan, bigla siyang napangiti noong tawirin ko ang distansyang nakapagitan sa amin. Mas maganda siya kapag katabi ko.


Amanda...


Nag-usap kami ng mga bagay na wala namang kwenta. Napapatulala ako minsan sa kislap ng kanyang mata. Ayaw ko nang alisin ang atensyon ko sa kanya sa takot na bigla siyang maglaho. Maingay man sa Starbucks ay wala na akong marinig. Kundi ang boses niyang parang anghel.


Mahaba ang usapan namin. Hindi na namin namalayan ang oras. Paglabas ko doon ay alas siyete na pala ng gabi, at limang oras na kaming nag-uusap. Agad ay sabik ko na siyang makita muli.


*****


"America? Anong America?"


"Kailangan mag-ipon ng Papay mo, medyo gipit tayo dun sa simula, pero kakayanin din." sabi ng aking ina.


"Magtatrabaho ako dito! Ayokong umalis," sigaw ko, sabay hampas sa mesa.



"Walang pag-asa dito sa Pilipinas, anak. Gustuhin mo man mag-doktor ay mababa ang sweldo. Doon sa Amerika, dolyares ang kita mo. Ayaw mo nun?"
"Dito na lang tayo." Hindi ko na magawang tingnan ang ina.



Iyon na lang ang gagawin ko. Yayakapin ko siya. Isang saglit, na para walang hanggan.


Pagdating ko sa Starbucks kinabukasan, wala siya. Tinakbo ko ang buong coffeeshop, umaasang nasa CR lang siya, o andoon sa 2nd floor, pero wala din. Naghintay ako ng ilang oras para huli siyang makita. Wala ng 1% na pagkakataon na magkasalubong kami sa Greenbelt balang araw, o kahit man magkita sa isang birthday party na walang kwenta. Kung nandoon na siya sa Amerika ay hindi na mangyayari iyon. Kailangan ko siyang makita.


Magpakita ka naman.


Nagising ako sa isang kamay na niyuyugyog ang aking balikat. Sir, magsasarado na po kami, alis na po kayo. Ilang segundo ang lumipas bago narehistro ng utak ko. Hindi siya dumating. At kung dumating man siya ay tulog ako.


Kamot-ulo akong lumabas sa coffeeshop. Wala na akong magawa. Isang araw, kausap ko siya, ngayon, hindi ko na makikita muli.


Sa unang araw pa lang ay dapat nilapitan ko na siya.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home